Pages

Friday 26 April 2013

Rape victim lumantad vs Caloocan congressional bet




Isang 21-anyos na dalaga ang lumantad kahapon upang iprotesta ang kandidatura ni Caloocan City congressional candidate Dale Gonzalo Malapitan dahil sa diumano’y panggagahasa nito sa kanya may limang taon na ang nakalilipas.

Ayon kay Mila (di tunay na pangalan), gabi noon at 16-anyos pa lang siya nang nahuli sila ng pinsan niya ng barangay tanod dahil sa bagansya.

“Hindi ko po alam na may curfew. Tapos, dinala po kami sa barangay hall ng Barangay 137, Bagong Barrio, Caloocan City,” salaysay ni Mila.

Sa halip na pangaralan, pagalitan o ikulong, pinainom umano siya ng alak at pinaupo sa tabi ng mga nagiinuman. Sinabihan sya na sumunod lang daw sa utos ng Kapitan na si Dale Gonzalo “Along” Malapitan.




Pagkatapos ay dinala umano siya sa kwarto at pinapasok sa banyo at doon siya ay ginahasa. Pagkatapos ay kinuha daw siya ng tiyo ng Kapitan na alyas “Kongresman” na siya namang nagdala sa kanila sa isang motel at doon muling ginahasa.

Dahil menor de edad pa lang, kinuha umano siya ng DSWD at sa loob ng tatlo’t kalahating taon ay sa pasilidad ng ahensya siya nanirahan.

Sabi pa ni Mila, para umano siyang nakakulong noong panahong `yon. Paliwanag naman sa kanya ay kailangan umanong gawin `yon habang nililitis ang kanyang kaso.

Dagdag pa nito, labis umano siyang nangulila nang hindi makapiling ang pamilya bagama’t nabibisita naman umano siya ng mga ito.

Sa loob ng tatlo’t kalahating taon na nasa ilalim ng pangangalaga ng DSWD, nagpursigi umano siyang panagutin ang mga gumahasa sa kanya.

“Nisampa po ang kaso sa Family Court sa Caloocan, Branch 131 pero nabigla na lang po ako nang isang araw ay sabihan ako na “dismissed” na raw po ang kaso,” kuwento ng dalaga.

Hinagpis pa ni Mila, hindi man lang umano niya nalaman kung ano ang nangyari sa kaso.

“Sinabihan naman po ako na puwede naman daw pong iapela pero matatagalan pa `ko sa loob ng DSWD kaya mas pinili ko na lang po na lumabas na lang at umuwi na sa `min,” paliwanag pa ni Mila.

Ayon sa biktima, nang makita umano niyang si Along Malapitan na tumatakbo bilang Congressman sa kanilang lugar, nakaramdam siya ng matinding poot at galit.

Ito umano ang dahilan kung bakit naghanap sya ng paraan para muling buksan ang kaso nya laban sa kandidato na hindi pa nagbibigay ng panig hinggil sa naturang akusasyon.


Source: MARDION F. MALANO



By: Atty. Trixie Cruz-Angeles
(Source : PSSST! Centro)


To know more about Trixie Cruz Angeles, check out: I AM TRIXIE CRUZ

No comments:

Post a Comment